The Promise



January 14, 1995
Bilog na bilog ngayon ang buwan.
Kaunti lang ang mga bituin. Pero ayos lang yun para kay Reynaldo kasi kasama naman nya ang kaniyang asawa. Ika-64 taong anibersaryo nila ngayon bilang mag-asawa. Di na niya maalala kung paano, basta nagyari na lang. Isang araw, naramdaman na lang niyang mahal nga niya si Lorna. Kartero si Reynaldo at nagtitinda naman ng mga bulaklak si Lorna. Di pa din mawala sa isipan ni Reynaldo ang una nilang pagkikita.
Abala si Reynaldo na nag-aayos ng mga sulat nang masulyapan ang pagdaan ni Lorna na may bitbit na mga bulaklak. Doon pa lang ay nabighani na siya sa ganda at kakaibang dating sa kaniya ng dalaga. Sinundan ni Reynaldo ng tingin ang dalaga hanggang sa makarating ito sa Flower Shop. Sa sandaling iyon, alam ni Reynaldo na iba ang nararamdaman niya sa dalaga.

Nagpakilala siya kay Lorna at halos araw-araw ay bumibili ito ng Marigold para sa dalaga. Paboritong bulaklak ito ni Lorna. Araw araw niya itong niligawan, Inabot ng halos 7 buwan si Reynaldo para mapasagot si Lorna. Masaya ang kanilang pagsasama. Kahit na nobya na niya ito ay parang araw-araw pa din niya itong nilalambing at nililigawan. Walang anumang naging hadlang sa kanilang pagmamahalan. Matapos ang 3 taon ay naisipan na nilang magpakasal. Para kay Reynaldo, wala ng mas hihigit pa sa ligayang naramdaman niya nung sa wakas ay kinasal na sila ni Lorna. Nangako sila sa harap ng altar na walang iwanan, sa hirap man o sa ginhawa. Pangakong magsasama sila habang buhay. At sa espesyal nga na araw na ito, hawak pa din ni Reynaldo ang pangako na iyon.

"Alam mo mahal, 64 years na tayo pero parang di pa din ako napapagod mahalin ka." sabi ni Reynaldo.

"Pasensya ka na mahal kung di kita maipapasyal sa paborito nating lugar na pinupuntahan pero masaya ako at kahit paano kasama kita. Napakaswerte ko at ikaw ang napangasawa ko. Naaalala ko pa nung araw ng kasal natin, sa mismong harap ng altar. Dinig ng Diyos ang pangako natin. Di man tayo nabiyayaan ng anak ay ayos lang sa akin, ang importante nabiyayaan naman ako ng mabuting asawa. Di ko aakalaing gaya ko ang pipillin mo mahal. Salamat at di ka nagsawa sa mga bulaklak na araw-araw kong binibigay sayo noon. O baka naman kaya mo ako sinagot dahil nakulitan ka na sa akin noon?" ang sabi ni Reynaldo habang napatawa sa mga naalala.

Biglang napalitan ng luha ang tawa sa mukha ni Reynaldo. Hawak ang isang Marigold at sobre ng sulat na ginawa niya para sa asawa. Sa lahat ng sulat na naipadala niya sa buong buhay niya bilang kartero, ito na siguro ang pinaka-espesyal sa kanya.

Nakapikit si Reynaldo at di pa din niya mapigilan ang pagdaloy ng luha sa mga mata niya. "Alam mo mahal, di man natin nabuo yung pinangarap nating pamilya, para sa akin sapat ka na para makompleto ang buhay ko. Di na ako maghahangad ng iba pa. Natupad ko ang pangako natin noon, at natupad ko yan hanggang ngayon. Gusto ko lang malaman mo na mula noong iniwan mo ako 10 taon na ang nakakaraan, ikaw lang ang minahal ko at wala ng iba. Mahal na mahal kita Lorna."

Payapa at magaan na ang pakiramdam ni Reynaldo. Humiga siya sa tabi ng asawa at pinagmasdan ang buwan at mga bituin sa langit. Di mapapantayan ninuman ang pag-ibig niya kay Lorna. Pinatong ni Reynaldo ang bulaklak at sulat sa ibabaw ng puntod ng asawa. Pumikit, ngumiti at masayang ginugunita ang anibersaryo nila ni Lorna,  hawak ang pangakong di niya iiwan ang asawa habang buhay.


No comments:

Post a Comment