Marathon


Ang buhay daw natin ay parang “marathon”.

Yan ang pananaw ng karamihan sa buhay. Tayo ay tumatakbo sa marathon ng ating buhay. Malayo, mahirap, nakakapagod. Marami tayong madadaanan bago marating ang “finish line”.
Gaya ng marathon, may kaniya kaniya din tayong goal na kailangang marating. Yung iba 3K, may iba naman na 5K at yung mga matitibay at malalakas na umaabot hanggang 21K.
Nakakapagod man eh masaya naman ang marathon. Marami kang kasabay sa iyong paglalakbay, marami kang makikita. Minsan pa nga madami din tayong nakikilala. Pero di lahat ng ito ay nakakasama natin hanggang finish line. Yung iba kasi ay nauunahan tayo at may mga iba naman na naiiwanan natin along the way. Pero kahit ganun, patuloy pa din tayo sa paglakbay.
Ang marathon, gaya din ng buhay, ay may mga rules na kailangang sundin. Una sa lahat, may starting line at finish line. Bawal ang mandaya. May ruta na kailangang sundin. Bawal lumihis ng landas.
Susubukin ka ng marathon. Susubukin kung hanggang saan ang lakas mo. Kung susuko ka ba agad o ano. Kung magpapadaig ka ba sa pagod at sa uhaw o lalaban hanggang sa huli. May mga tumitigil sa pagtakbo dahil sa mga munting problema na dumarating. May mga sumasakit ang paa at napipilayan kaya sinusuko na ang laban. May mga iba naman na kahit anong hirap o sakit na ang nararamdaman ay tuloy pa din sa pagtakbo. May iba din na ineenjoy lang ang bawat sandali. Yung iba naman ay sadyang competitive at talagang pinipilit manalo. Gagawin ang lahat mauna lang sa karera. May mga iba naman na walang pakialam, may earphones kaya walang naririnig kaya’t tuloy tuloy lang sa pagtakbo. Yung ibang nakakaluwag-luwag na kompleto ang vitamins at energy drinks para may sapat na lakas. Habang ang iba’y sapat na ang “ice water” na pamatid ng uhaw at gutom. Sabi ng iba, “unfair” daw ang marathon. Kasi may nauuna sa linya sa starting line at meron naman sa bandang huli. Nakalimutan nilang ang marathon ay test ng endurance at di ng bilis. Kaya kahit nasa hulihan ka ng linya kung matiyaga ka at malakas, mangunguna ka din sa karera. Gaya ng buhay natin, wala yan kung saan ka nagsimula, kundi kung paano mo tinapos ang karera. Wala kang ibang kalaban kundi sarili mo lang din.

Ang buhay daw natin ay isang “marathon. Yan ang paniniwala ng marami. Pero hindi ako naniniwala diyan.

Una sa lahat, ang buhay natin ay di dapat pinapatakbo ng “rules”. Tayo mismo ang gagawa ng rules ng ating buhay. Sa marathon ay may ruta, pero sino baa ng nagsabing sundan moa ng ruta na ginawa ng iba? Kung pwede ka naming gumawa ng sarili mo. Di mo kailangang sundan ang yapak ng iba, mas masaya kung tatakbo ka kung saan mo man gusto. Tandaan mo, hindi ito isang karera na kailangang may manalo o matalo. Di mo kailangang makipag-unahan sa iba para sa “premyo”. Dahil ang paglakbay sa buhay na ito ay premyo na din kung tutuusin. Nabigyan tayo ng isang pagkakataong dumaan sa ruta na ito kaya kailangang ipagpasalamt ito at sulitin. Ikaw mismo ang gagawa ng rules. Kung napagod ka, eh di magpahinga ka. Kung nauuhaw ka, uminom ka. Maghanap ka ng tubig o di kaya naman ay maghanap ka ng ibang nauuhaw din at sabay kayong maghanap ng tubig. Oo marami tayong kasabay sa karera na ito, pero gaya mo may sarili din silang ruta. Kung makakasabay mo sila eh di maganda. Kung hindi naman, ayos lang. Pasalamat na lang tayo at kahit paano sa paglalakbay nating ito ay nakilala natin sila. Di lahat ay makakasama mo sa finish line, may ibang mauuna sayo at may ibang maiiwanan mo. Pero di mo kailangang magmadali o di mo kailangang manguna sa karera. Di mo naman sila kalaban eh di ba? Wala kang ibang kalaban ditto kundi sarili mo lang din. Huwag kang mandadaya. Ienjoy mo  ang yung karera habang kaya mo pang tumakbo. Di sa lahat ng pagkakataon ay kaya nating tumakbo. Darating tayo sa panahon na tayo ay mapipilayan o sadyang di na natin talaga kayang itakbo pa ang mga paa natin. Ayos lang yan, basta tuloy pa din  tayo sa paglakbay. Ang suot mong sapatos, importante man ito sa komportableng paglalakbay, ay di dapat maging hadlang sa maayos mong karera. Isipin mo, wala yan sa sapatos, nasa “paa” yan. Kung may magbibigay sayo ng sapatos, tanggapin mo. Kung may mag-alok ng tubig, inumin mo. Mag-ingat lang sa “lason” at sa “paltos”. Kung sinimulan moa ng karera na nakapaa lang, darating ka din sa panahon na tutubo ang kalyo mo sa paa at masasanay na lang sa hapdi ng kawalan ng sapatos. May iba na tinitiis na lang ito at may iba naming gumagawa ng paraan makabili lang.

Kung kailan matatapos ang karera ay Siya lang ang nakakaalam. Wala tayong karapatang magtanong kung kailan o bakit ganito ang karera mo. Iisa lang ang orasan sa karera ng buhay. Di pwedeng ibalik o irewind. Pwede mong balikan ang ruta mo, pero mahihirapan ka ng lumipat sa iba pang ruta. May mga ibang nawala sa ruta at di na nakabalik pa. May mga iba namang paikot-ikot na lang sa parehong ruta. May mga iba namang nagrereklamo kung bakit ganun ang tinatakbuhan.  Minsan mas magandang pagbutihin na lang ang pagtakbo kaysa magreklamo nang magreklamo. Huwag mo ding masyadong tanawin ang finish line. Wala yan sa kung gaano mo ito natapos kundi kung paano mo ito ginawa. Huwag makipag-unahan, wala kang kalaban. Dahil ang karera ng buhay natin, minsan mahirap, minsan masaya, minsan naman ay nakakapagod na. Pero ang importante, natapos mo ito ng maayos at walang pagsisisi.

Enjoy mo lang ang karera mo. Enjoy life.


No comments:

Post a Comment