UNSAID

 Unsaid
By: Obet Tan

Andiyan na siya.
Nag-iiba na naman ang pakiramdam ko. Ewan ko ba, ba’t ganito ako pag anjan siya. Medyo tumataas na naman ang BP ko. Ang dilim dilim na ng mga nakikita ko. Ang sikip. Pati ang dibdib ko at puso parang sumisikip na rin. Lumalakas ang tibok ng puso ko pag anjan siya. Pero ba’t iba ngayon? Parang di ko siya naririning tumibok. Pero parang mas magaan ang pakiramdam ko ngayon. Basta, di ko maipaliwanag. Ano bang meron siya at nagkakaganito ako?
Medyo umiinit na rin dito. Ano ba!!!? Relax lang Francis, si May lang yang lumalapit. Relax, ok be calm. Pero iba eh. Di naman ako ganito dati ha. Kailan nga ulit nagsimula itong nararamdaman ko? Uhm, alam ko na. Nagsimula ito nung Community Service namin. Ah oo, naalala ko pa yung mga sandaling yun…

Pauwi na kami nun. Nakasakay kami na magkaklase sa isang jeep na, di naman ganun kagandahan. Basta jeep siya. Katabi ko nun si May. Halos kabarkada niya lahat ang mga nasa jeep namin. Masaya pa naman nung una, may kwentuhan, tawanan, may mga naglalaro ng Rubik’s Cube akala mo may sasalihang contest, basta masaya, pero dahil nga sa pagod kami ay nakatulog na rin ang iba. Iilan na lang ang mga gising. Nakatitig ako kay May, habang siya’y nagsasalita. Tapos narealize ko na di ko lang pala siya basta crush, parang iba na talaga ang nararamdaman ko sa kanya. Medyo inaantok na rin ako nung mga time na yun pero nakikinig pa rin ako sa mga sinasabi niya habang kausap ang kaibigan niyang naglalaro ng Rubik’s Cube. “Gusto ko ring makabuo ng Rubik’s, kaso ang hirap sobra.” aniya kay Mila, kabarkada niya. “Nahihirapan kang bumuo ng Rubik’s, eh nabuo mo nga ang buhay at pagkatao ko” nasabi ko sa sarili ko. Haay ano ka ba Francis ang korni mo, love na yata talaga ‘to. Kailan ko kaya sasabihin kay May ang nararamdamn ko? Ngayon na kaya? Di pwede, haay natotorpe na naman ako. Gising pa naman ang mga barkada niya, natatakot ako. Pero kung di ngayon, kailan pa? Kailangang sabihin ko na ngayon. “This is it!”. Go Francis!!! Kaya ko ‘to. “Uhm, May, uhm… may gusto sana akong sabihin sa’yo,” sabi ko sa kanya. “Ano yun?” sagot ni May. “Uhm, May, uhh I …..” masasabi ko na sana nang biglang kinausap siya ni Jayson, crush ni May. Hmp, istorbo, ngayon na nga lang ako may lakas ng loob eh. Nawala na rin ang atensyon ni May sakin, na kay Jayson na. Itinulog ko na lang ang sama ng loob ko, Mamaya na lang paggising ko, kailangan ko pang mag-ipon ng lakas. Baka sakaling si May ang panaginip ko. At yun nga, nakatulog na nga ako nang tuluyan. At gaya ng hiniling ko, si May nga ang panaginip ko. Nasa jeep kami, pauwi mula sa Community Service. Siyempre katabi ko siya. Yes! Masasabi ko na rin sa wakas. This is it. Kahit sa panaginip lang ay masabi ko na mahal ko na siya. Ok, relax lang Francis, be calm. Nagulat siya nung bigla kong hinawakan ang kamay niya. Eto na sasabihin ko na. “May, uhm, kailangan mo ng malaman ‘to.” Biglang nagsalita ang mamang tsuper, “Pakibaba na lang po ang mga bintana medyo lumalakas na po ang ulan.” Haay bwisit, pati ba naman sa panaginip may istorbo pa rin. “Madulas ang daan pag ganitong umuulan, nasa bundok pa naman tayo. God Bless us Sinners!!!,” dagdag pa ni mamang tsuper. “Eh di kayo lang po ang inblebless ni God Manong driver, kayo lang po yata ang sinner dito eh!” pabirong sabi ni May sa driver. Nagtawanan ang lahat. At nawala na ulit ang pag-uusap namin ni May. Pati ba naman sa panaginip, naistorbo pa rin ang pag-uusap namin. Kung di ko masasabi ngayon, kailan pa? Masaya na naman ang jeep namin, gising ang lahat. Wala silang kamalay-malay sa sumunod na nangyari. Biglang natumba ang bote ng mineral water ni May, may nakatadyak yata. Pilit niya itong inaabot. Wala sa isip namin ang mga sumunod na sinabi ng mamang tsuper. “Hawak kayong mabuti, ang dulas ng daan, mahirap nang kumapit ang preno ko!!!”, sigaw ni manong driver. Nawalan siya ng kontrol sa jeep. Nagimbal ang lahat sa naganap, nahulog ang jeep namin sa isang matarik na bangin. Sa kasawiang-palad, dalawa ang namatay, isang lalaki at isang babae. Isa si May sa mga nasawi. Isa itong bangungot!!! Buti na lang at nagising ako sa tapik ni May sakin. Haay buti na lang at isa lang itong panaginip. “Yang laway mo tumutulo na!” pabirong sinabi ni May. Naiiyak na ako sa mga oras na iyon, buti na lang at isang panaginip lang ang lahat. Di ko kayang mawala si May sa harapan ko. Tinititigan ko lang siya ng matagal, ang ganda ng mga mata niya. Salamat at panaginip lang. May mensahe ang panaginip na iyon para sakin, na kailangan ko ng sabihin kay May ang nararamdaman ko. This is it. “May, kailangan mo nang malaman ‘toh” sabi ko kay May. “Ano ka ba, Francis, kanina pa yan, sabihin mo na kasi.” sagot niya. “May, I…” ok na sana nang biglang nagsalita si manong driver. “Pakibaba na lang po ang mga bintana medyo lumalakas na po ang ulan. Madulas ang daan pag ganitong umuulan, nasa bundok pa naman tayo. God Bless us Sinners!!!” wika ni manong driver. Teka di maaari ito, parang ito yung nasa panaginip ko. Huwag naman sanang mangyari ang bangungot na iyon. “Eh di kayo lang po ang inblebless ni God Manong driver, kayo lang po yata ang sinner dito eh!” pabirong sabi ni May sa driver. Huwag!!! ito na nga iyon. Mangyayari ba ang panaginip ko? Ayokong mawala siya. Kabado na ako. Hinawakan ko nang mahigpit ang mga kamay ni May, habang nagtatawanan ang lahat. Paano ko sasabihin ‘to? “Francis ang kamay ko!” aniya sakin. “May, magtiwala ka sakin, kailangan kong hawakan ang kamay mo.” sinabi ko sa kanya. “Ha? Francis, ay teka, natumba yung mineral water ko, baka mahulog sayang naman.” aniya. “May wait lang huwag!!!” pinigilan ko siya. Niyakap ko siya nang mahigpit, wala na akong pakialam sa sasabihin nila. Nabigla ang lahat sa ginawa ko. Nagulat ang lahat sa mga wikang ito ni manong driver, “Hawak kayong mabuti, ang dulas ng daan, mahirap nang kumapit ang preno ko!!!”. Ang bilis ng pangyayari, nagkatotoo ang panaginip ko. Nawalan ng kontrol ang driver sa jeep, nahulog kami sa isang matarik na bangin. Sigaw, luha, hinagpis at pangungulila ang bumalot sa paligid. Nagulat ang lahat sa nangyari. Dalawa ang namatay sa aksidente. Dalawang lalaki. Salamat at buhay si May.
At dun nga nagsimula ang feelings ko kay May, pero hanggang ngayon di ko pa rin nasasabi sa kanya ang nararamdaman ko, huli na ang lahat. Ngayon anjan na siya umiiyak habang palapit nang palapit sa kabaong ko. Sana nun ko pa nasabi sa’yo ‘to, sana nun mo pa nalaman ‘to, May MAHAL KITA!!!"

No comments:

Post a Comment