Lolo Pedro sa Modernong Panahon
By Obet Tan
NagCR ako kanina.
May nakita akong ale na nakaupo
sa waiting area ng isang clinic. Medyo may edad na din. Ang tantiya ko nga eh
nasa edad 40 na siya. Nakajacket siya at mukhang siya nga yung magpapacheck-up.
Nakakunot ang noo at di na masyadong maaninag ang mata niya sa suot niyang
reading glasses. Kung reading glasses pa ang tawag sa ganun kakapal na lens. Para
microscope na yata ang mata nya. Nagulat lang ako sa nakita kong hawak hawak
niya habang siya’y nakaupo dun at naghihintay na matawag ang numero sa clinic.
Doon mismo sa upuan niya, abala siya sa pagpipindot ng kaniyang PSP.
Hay! Ibang iba na talaga ang
panahon ngayon. Panahon na nga talaga ng Technology. Di gaya noong panahon ko
at nasa ganun akong edad. Ibang iba ang
libangan naming noon sa ngayon.
Ok na ang radyong de baterya na
libangan naming tuwing tanghali. Naaalala ko pa si Lolo Goryo nung araw na laging
nagbibigay ng puzzle o bugtong sa mga tagapakinig ng kanyang programa. Kapag nahulaan
mo yun may premyo ka na Lechon manok o kaya naman eh Tshirt, kalendaryo o
anumang bagay na galing sa kanilang mga sponsors. Maaga din ang tulog sa gabi
dahil inaabangan namin ang Drama sa radyo
na kulang na lang sabihin lahat ng ginagawa ng mga karakter. Hay.. Wala na ang
mga panahong mga iyon, napalitan na ng modernong teknolohiya.
Ok na din sa amin ang simpleng
kwentuhan sa tapat ng store ni Aling Belen. Dun ang tambayan naming nung araw.
Minsan may kaharap na bote ng lambanog o di kaya ay mainit na kapeng barako.
Ayos na ayos na buhay nay un noon. Masayang nagpapalitan ng gma kuro-kuro at
nagkwekwentuhan tungkol sa mga alaga naming mga kalabaw, pato, baboy at iba pa.
Yun nga lang at napalitan na ang mga panahong mga iyon. Bagong teknolohiya na
ang ginagamit ngayon sa pagpapalitan ng ideya at mga opinion.
Makabago na nga talaga ang
panahon ngayon, nauso na ang mga social networking sites. Ito na ang bagong
tsismis medium ng bayan. Mas mabilis na ang pagpapalit ng idea sa Twitter. Isang
tweet lang malalaman na ng buong mundo na nagtootbrush ka na, matutulog ka na
at mga iba pang ginagawa mo na di mo magagawa kung di mo itweet. Dumami na din
ang mga kaibigan mo. Sa tulong ng Facebook, aba, mahigit 5000 na ang friends
mo. Isang click mo lang “Like” mo na ang isang post ng isang tao. Minsan pa nga
pwde mo pa itong iShare. Gaya ng twitter di mo din pwedeng gawin o panoorin ang
isang bagay kung di mo ito pinopost sa FB mo. Grabeng technology talaga ito. Hinding
hindi ka din pwdeng kumain kung di pa alam ng ibang tao ang ulam o pagkain mo. Kinukunan
mo pa ito ng picture at nilalagay sa Instagram mo. Aba’y may kapalit na ang
ritwal natin na pagdadasal bago kumain. Konting lagay ng effects sa picture at
yun, ready to post na. Sabay share naman ito sa Twitter,FB,LinkedIn at Google+.
Minsan nga naitanong ko, ganito nab a talaga ngayon ang mundo?
Hay! Nakakamis din pala ang
lumang buhay naming noon. Narinig ko nga din kanina sa terminal ng bus yung
isang ale. Kausap yung isa ding babae na may kasamang bata. Kinder yata yung
bata at pauwi na din sila. Akala ko kung anong takbo-takbo ang pinaguusapan
nila. Aba’y Android App pala yun. Di daw sya mahilig masyado sa Temple Run, mas
gusto daw niyang magbasa na lang ng Ebooks at EPub sa Kindle nya. What a Life! Sa
tantiya ko’y nasa edad 45 na din yung ale. Moderno na talaga ang mga tao
ngayon. Iba na ang mga libangan nila ngayon kumpara noon. Maganda kaya ang
epektong ito ng Modern Technology sa buhay natin? Gumanda ba ang communication o mas lalo tayong nawalan
ng “Communication”? Hay!
(Nang biglang may tumawag kay Lolo
Pedro.)
Apo: Lolo, kakain na daw po sabi ni Lola.
Lolo Pedro: Ano apo?
Apo: Sabi ko po kakain na tayo Lolo, pinapatawag na kayo ni Lola.
(Dinikit ang bibig sa tenga ng Lolo habang nagsasalita)
Lolo: Ah sige apo, susunod na ako. Ishare ko lang sa FB ko itong
bagong Blog Post ko.